Maraming lugar sa
Pilipinas ang hindi pa at hindi na nabibigyang pansin. Nagkaroon na ako
ng pagkakataong makalibot sa ilang kilalang tourist
spots sa Pilipinas – Boracay, Bohol, Palawan, Cagayan de Oro, Camiguin at
iba pa.
Nagkaroon na ako ng pagkakataong makapunta sa Coron
(Palawan) noong 2009 at masasabi kong ito na ang pinakamagandang parte ng
Pilipinas na napuntahan ko. Sabay na gusto at ayaw kong mapansin ito ng mga
tao. Oo, nais kong mapansin ito ng buong mundo dahil sa angkin nitong ganda at
paniguradong makikilala ang ating bansa. Sa kabilang banda, ayaw ko rin dahil
paniguradong mag-uunahan ang mga malalaking kompanya upang makapagpatayo ng kani-kanilang
establisyimento doon at makalipas ang ilang buwan ay mapapabayaan na ang
kapaligiran.
Maraming yaman ang ating bansa ngunit tila hindi ito
binibigyang importansya ng ilan nating kababayan. Hindi kasama sa mga tinutukoy
ko ang mga naninirahan sa Rizal kung saan makikita ang Wawa Dam. Maingat na
binabantayan ng mga naninirahan doon at ng lokal na pamahalaan ang mga
bumibisita roon. Ipinagbabawal na ang pangunguha ng marble doon.
Maganda ang daan patungo sa watch tower. Naabutan pa namin ang ilang kalalakihang nagpipintura ng railings. Halatang binibigyan talaga ng halaga ng mga taga-roon ang tourism ng Wawa Dam.
Sa kabilang banda, sa tingin ko’y kailangan ng kaonting ayos ang daan patungo sa Pamintinan Cave. Wala sa akin ang mabatong daan paakyat ngunit baka mawalan ng gana ang ibang taong umakyat doon dahil na rin sa hindi pa sementadong daan. Isa pa naman ito sa mga importanteng lugar na parte na ng ating kasaysayan. Ang kakulangan din ng ilaw sa loob ay isa sa mga maaaring maging hadlang upang mabisita ang lugar na ito.
Ang pinakahindi ko makakalimutan sa trip na ito ay ang mga taong nandoon. Sa kabila ng bigat ng kanilang mga dinadala paakyat at pababa ng bundok, nakukuha pa rin nilang ngumiti at makipag-usap sa amin kahit sandali. Maraming bata ang naglalangoy at naglalaro sa dam, mayroong mga naglalaro ng billiards sa isang banda at may nagvivideoke naman sa kabila. Totoo ngang ang mga Pilipino ang isa sa mga yaman ng ating bansa. Sa kabila ng hirap ng buhay, nakukuha pa rin nating ngumiti at makihalubilo sa mga tao ng walang alinlangan.
Ang pinakahindi ko makakalimutan sa trip na ito ay ang mga taong nandoon. Sa kabila ng bigat ng
kanilang mga dinadala paakyat at pababa ng bundok, nakukuha pa rin nilang
ngumiti at makipag-usap sa amin kahit sandali. Maraming bata ang naglalangoy at
naglalaro sa dam, mayroong mga naglalaro ng billiards sa isang banda at may
nagvivideoke naman sa kabila. Totoo ngang ang mga Pilipino ang isa sa mga yaman
ng ating bansa. Sa kabila ng hirap ng buhay, nakukuha pa rin nating ngumiti at
makihalubilo sa mga tao ng walang alinlangan.
Nakuha pang makipagbiruan sa akin ng isang
mamang nagbubuhat ng kahoy. Nagpaalam ako kung maaari ko siyang kuhanan ng
larawan. Tumigil siya sa paglalakad at sinabing, “basta ba makakarating yan ng
ibang bansa ha.” Natawa siya sa sagot kong, “kuya wag mo po ako kakalimutan pag
sumikat ka na po ha.” :)
Kakaiba ang karanasang ito para sa akin. Oo, tunay ngang
napakaganda ng lugar na ito. Nakakapanghinayang isiping hindi ito napapansin at
pinapahalagahan ng ibang tao. Kakaonti na lamang ang ganitong lugar sa bansa at
may pagkakataon pa tayong tumulong na maisalba ito at hindi masayang. Nais ko
ring bigyang pugay ang mga taong patuloy na pinangangalagaan ang lugar, sana ay
hindi masayang ang kanilang mga pinaghirapan.
--- Meg Rementina